
Kung susuriin ang mga naging salaysay ng Pangulo sa usapin ng kalikasan, enerhiya, agrikultura, at imprastraktura, makikita na ito ay laging inaangkla sa usapin ng klima at makakalikasang mga proyekto. Ngunit, sa katotohanang lagay ng Pilipinas, tila ito ay isa lamang sa mas marami pang panlilinlang ng administrasyong Marcos Jr. sa mamamayang Pilipino.
Ang SONA ng pangulo ay nagsilbing lugar para sa gobyerno para ihayag ang mga naging aktibidad, proyekto, at mga susunod pang plano nito para sa mamamayan.
Sa usapin ng klima, tila tagumpay para sa pamahalaan kung maituturing ang pagiging “handa” nito sa anumang sakuna at kalamidad. Ipinwesto ang sarili bilang lider pangkalikasan sa harap ng kanyang mga tagasunod, ibinida ang mga paghahanda tulad ng 5,500 flood controls sa iba’t ibang bahagi ng bansa na siya namang isiniwalat ang pagkahuwad nito sa nakaraang malakas na bagyong tumama sa bansa— hindi epektibo, walang tunay at maayos na pagpaplano, at hindi nakaangkop sa pagiging bulnerable ng bansa sa krisis.Ang mga epekto ng bagyo na sinabayan ng malakas na habagat ay tunay na naramdaman sa mga rehiyon ng hilaga at gitnang Luzon. Idineklara ang Pilipinas sa estado ng kalamidad o state of calamity kung saan iba’t ibang mga pagbaha, malakihang pagkasira, pagpapalikas, at mga pagguho ng lupa. Ito ay naganap sa halos dalawang araw na nagresulta ng pagkalubog ng maraming mga komunidad, kalye, at mga bahay.
Sa ngayon, umabot na sa 39 ang napapabalitang namatay, 6 ang nawawala, at 9 ang sugatan. Sa kabilang banda, 4, 839, 002 mga indibidwal ang apektado at 108, 083 sa ating mga kababayan ang nananatili pa sa mga evacuation centers. Sa agrikultura, 23, 580 ang mga apektadong magsasaka’t mangingisda at mahigit 25, 723.64 ektarya ng mga pananim ang nasita ng bagyo. Sa kabuuan, mahigit 5 bilyong piso ang nawala sa mga produktong pang-agrikultura.
Marami sa mga kababayan na apektado ng krisis sa klima ay mga maralita, samakatuwid, sila ang mga taong namumuhay sa kahirapan, kasalatan, at hindi patas na mga pampublikong serbisyo. Habang kumakalam ang tiyan ng mamamayan at dinadanas ang matinding krisis sa kalikasan walang ginawa ang gobyerno kung hindi sisihin ang taumbayan sa mga kapabayaan nito tulad ng maayos ng imprastraktura, waste management, at patuloy na pagpahintulot ng mga nakakasirang proyekto sa kalikasan tulad ng reklamasyon sa Manila bay. Ang mga isinalaysay ng Pangulo sa kanyang SONA ay napatunayang kasinungaling at hindi akma sa tunay na kondisyon ng mamamayan. Ang kriminal na kabayaan ng gobyerno sa paglala ng mga epekto ng bagyo kasabay ng pagsirit ng krisis sa ekonomiya at politika sa mas malaking aspeto, at ang malaking gampanin ng imperyalismo bilang ugat ng krisis sa klima ay kailangan ng wakasan. Walang hustisyang pang-klimang matatamasa sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte. Singilin at panagutin ang administrasyong Marcos Jr!
Sa huli, ang pagiging host ng Pilipinas sa paglulunsad ng #LossAndDamageFund ay kailangan ng masusing pagbabantay at militanteng aksyon para ang mga tulong at danyos ay tunay na mapunta sa mga komunidad na matagal ng apektado ng krisis.
#CarinaPH
#ClimateJusticeNow
#EndClimateImperialism
