YACAP stand in solidarity with former Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, Act Teachers Partylist Rep. France Castro, and the National Minority

Ang pagbomba sa mga eskwelahan ng mga katutubong lumad ang isa sa marami pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa, ngunit, wala pang kahit isang nananagot para rito.

Samantala, sa pagtulong para maprotektahan ang kalayaan at karapatan para sa edukasyon, dalawa lamang ang kaso ni dating Bayan Muna Rep. Ka Satur Ocampo at ang gurong si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa libong mga taong ginawan ng gawa-gawang kaso para lamang dumihan ang kanilang ginagawang serbisyo para sa mga katutubo at mamamayang Pilipino. Ang conviction na ginawa laban sa dalawa at iba pang kasama sa pagpapalikas sa mga katutubo sa pambobomba ng militar ay hindi katanggap-tanggap.

Mariing kinukundena ng maka-kalikasang alyansa ng mga kabataan para sa hustisyang pangklima ang ginawang conviction para sa dalawa at sa mga kasama nito. Ito ang patunay kung gaano kabulok ang sistema ng hustisya sa bansa— ang mga lumalaban para sa karapatan ng pambansang minorya ang siyang hindi nabibigyan ng sapat na proteksyon ng batas. Walang hustisyang pang-klima sa bansang malabo ang hustisya. Walang hustisyang pang-klima sa bansang hindi nirerespeto ang karapatang pantao. Higit lalo, hangga’t may militar sa kanayunan na sumisira sa kalikasan, hindi makakamit kailanman ang hustisyang nagsusulong ng makakalikasang kinabukasan.Hindi mailalayo ang isyu ng kalikasan sa karapatang pantao. Parte tayo ng kalikasang pinapasista ng estado.

Kung kaya’t, nakikiisa ang YACAP sa panawagang ibasura ang gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista, lumad, at volunteers, buwagin ang pasistang NTF-ELCAC, panagutin at palayasin ang AFP sa kanayunan, depensahan ang lupang ninuno, at isulong ang maka-masa at dekalidad na edukasyong nararapat para sa mga katutubo!

#DefendTeacherFrance #DefendKaSatur #DefendTalaingod18

Published by yacaphilippines

Youth Advocates for Climate Action Philippines is an alliance of individuals, youth organizations, and student councils that advocate for immediate youth-led global climate action. The Fridays for Future of the Philippines.

Leave a comment